Maglalaan ang Philippine Sports Commission ng kabuuang ₱10 milyong cash incentives para sa mga medal winner ng 66th Palarong Pambansa 2026, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin pa ang grassroots sports program ng bansa.

Sa ilalim ng incentive program, makatatanggap ng ₱5,000 ang bawat gold medalist, ₱3,000 ang silver medalist, at ₱2,000 naman ang bronze medalist sa regular sports at para games.

Ayon kay Patrick Gregorio, layunin ng programa na makatulong sa pagsasanay ng mga batang atleta at mabawasan ang gastusin ng kanilang mga pamilya habang patuloy silang nagsisikap sa larangan ng sports.

Binigyang-diin din ng PSC na hindi lamang pinansyal na tulong ang layunin ng programa kundi pagpapakita rin ng suporta ng pamahalaan sa mga kabataang atleta sa simula pa lamang ng kanilang sports journey.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ng PSC na inaasahang magsisilbing inspirasyon ang mga insentibo upang lalo pang pagbutihin ng mga student-athlete ang kanilang pagsasanay at paglahok sa kompetisyon.

Naging posible naman ang ₱10 milyong incentive fund sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.