Hindi umano nakakapagtaka na dumarami ang foreign students hindi lamang sa Cagayan kundi maging sa buong bansa dahil sa ipinopromote ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga Memorandum of Agreements para sa exchange students hindi lamang sa China kundi sa iba pang bansa.

Reaksion ito ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa resolusyon na inihain ni Congressman Joseph Lara ng 3rd disstrict ng Cagayan na imbestigahan ang tila biglang pagdami ng Chinese national sa lalawigan partikular sa Tuguegarao City.

Sinabi ni Mamba na tiyak na makakaapekto sa ekonomiya ang hakbang ni Lara dahil ang mga nasabing dayuhang estudyante ay nagdadala rin ng kanilang pera sa lalawigan.

Bukod dito, sinabi ni Mamba na lilikha din ito ng pangamba at takot sa mga nasabing dayuhan at posibleng magresulta sa kanilang paglipat sa ibang probinsiya.

Iginiit ni Mamba na ang pagpunta ng mga ng mga Chinese national sa Cagayan ay patunay lamang na kinikilala nila ang mataas na kalidad ng edukasyon sa mga unibersidad at kolehiyo sa Tuguegarao City.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi ni Mamba na kung may pagdududa si Lara sa mga aktibidad ng mga Chinese national sa lungsod na umano’y nagkukunwari na estudyante ngunit ginagamit umano na espiya ng China ay dapat na ilapit ito sa intelligence community.

Sinabi ni Mamba na welcome sa lalawigan ang mga dayuhan basta’t legal ang mga ito sa layunin ng pakikipagkaibigan at makahikayat ng mga mamumuhunan.