
Nanawagan ang ilang opisyal ng Philip Morris International o PMI sa mga bansang kasapi ng ASEAN na palakasin ang laban kontra iligal na bentahan at smuggling ng sigarilyo sa rehiyon.
Sa ginanap na European Union-ASEAN Sustainability Summit sa Cebu, sinabi ni PMI Regional Director for Illicit Trade Prevention Rodney Van Dooren na posibleng lumala muli ang smuggling dahil sa tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa supply chain at kalakalan.
Ayon kay Van Dooren, mas lumalakas ang operasyon ng mga smuggling syndicate tuwing may krisis o problema sa ekonomiya dahil humihina ang legal na supply ng produkto.
Tinatayang umabot sa halos 17 porsyento ang illegal cigarette trade sa Pilipinas noong panahon ng pandemya mula sa dating 6 porsyento.
Sinabi rin ng PMI na umaabot sa humigit-kumulang $4 bilyon ang nawawalang buwis ng mga bansa sa Southeast Asia noong 2024 dahil sa iligal na sigarilyo, at mas mataas pa umano ito kapag isinama ang illegal vape products.
Dahil dito, hinikayat ng PMI ang mga bansang ASEAN na paigtingin ang koordinasyon sa customs at paggamit ng ASEAN Single Window system upang mas madaling matukoy ang mga kahina-hinalang shipment sa rehiyon.










