
Sampung pulis sa Angono, Rizal ang iniimbestigahan at inilagay sa restrictive custody dahil umano sa pag-aresto sa isang criminology student sa pekeng drug case.
Ayon sa Police Regional Office 4A, pansamantalang inilagay ang mga pulis sa Administrative Holding Section ng Rizal Police Provincial Office habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nahaharap ang mga pulis sa administrative complaint para sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer sa Napolcom, na isinampa ng biktima noong Pebrero 10.
Nag-ugat umano ang pag-aresto sa isang buy-bust operation bandang alas-10 ng gabi noong Nobyembre 10, 2025 subalit nakita sa CCTV footage na hinarang ang estudyante alas-5 ng hapon habang nakasakay sa motorsiklo.
Ayon sa biktima, pinilit siyang umamin sa umano’y ilegal na droga at pinagbabayad ng P50,000 sa GCash sa pamamagitan ng kanyang pamilya.
Kahit nabayaran, isinampa pa rin ang kaso laban sa kanya, na kalaunan ay binasura ng prosecutor dahil sa inconsistencies sa mga affidavit ng pulis at testimonya ng mga tanod at media representative.
Ayon sa ulat ng PNA, tinukoy ni Napolcom Executive Officer Rafael Vicente Calinisan ang mga sangkot na isang police captain, chief master sergeant, dalawang master sergeant, limang staff sergeant at isang police corporal, lahat mula sa municipal anti-drug unit.










