Iginiit ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong rekord para sa mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Kokoy Villamin,” at “Milky Secuya” na umano’y tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande na walang makitang birth, marriage, o death records para sa naturang mga pangalan.

Tanging ang pangalang “Irene Tan” ang may lumabas na mga rekord, ngunit ayon sa PSA ay isa itong karaniwang pangalan na may maraming kaparehong entries sa kanilang database.

Ang mga naturang pangalan ay lumitaw sa mga resibong isinumite umano ng OVP sa Commission on Audit bilang bahagi ng pagli-liquidate ng confidential funds noong 2022.

Dahil dito, nauna nang nag-alok ang ilang mambabatas ng pabuya para matukoy ang pagkakakilanlan ng “Mary Grace Piattos,” dahil pinaghihinalaang peke o gawa-gawa lamang ang pangalan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ng kampo ng Bise Presidente na maaaring alyas o pseudonym ang mga nasabing pangalan.