Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na nananatiling buo at solid ang 13-miyembrong majority bloc sa Senado sa kabila ng mga usap-usapan hinggil sa posibleng pagbabago sa liderato ng mataas na kapulungan.

Ayon kay Cayetano, walang “onsehan” o pagtataksilan sa kanilang grupo at nananatili umano ang pagkakaisa ng majority bloc.

Lumakas ang mga espekulasyon matapos ihayag nina Senador Francis Pangilinan, Panfilo Lacson, Tito Sotto, at Risa Hontiveros ang kanilang suporta kay Senador Sherwin Gatchalian bilang posibleng susunod na Senate President.

Kabilang sa majority bloc sina Cayetano, Ronald dela Rosa, Loren Legarda, Pia Cayetano, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Camille Villar, at Mark Villar.

Samantala, kinumpirma naman ni Migz Zubiri na may mga pakikipag-usap silang isinasagawa sa ilang miyembro ng majority bloc, ngunit aminado siyang wala pa silang sapat na numero para sa isang posibleng Senate coup.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Zubiri, nananatiling mainit ang emosyon ng ilang senador matapos ang mga kaganapan noong nakaraang linggo kaya kailangan pa ng mas maraming dayalogo.

Dagdag pa niya, si Gatchalian umano ang “most acceptable candidate” para sa kanilang grupo dahil sa maayos at transparent nitong pamumuno sa Senate Finance Committee.