
Umabot sa 15 kaso ng pagnanakaw ang naitala sa Tuguegarao City mula Marso 15 hanggang Hunyo 15 ngayong taon, ayon sa Tuguegarao City Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutenant Colonel Gary Matagay, Chief of Police ng Tuguegarao City, karamihan sa mga kaso ay nalutas na ng pulisya at itinuturing nang “cleared,” bagama’t hindi pa naaaresto ang pangunahing suspek na pinaniniwalaang sangkot sa magkakaugnay na insidente ng pagnanakaw sa lungsod.
Sinabi ni Matagay na mayroon nang person of interest na minamanmanan ng mga awtoridad at may umiiral nang warrant of arrest laban dito kaugnay ng dati nitong kaso.
Ayon pa sa hepe ng pulisya, wala silang nakitang partikular na oras o pattern sa mga nagaganap na pagnanakaw.
Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na karamihan sa mga insidente ay bunga ng pagkakataon at sinasamantala lamang ng mga suspek ang kakulangan sa seguridad ng mga biktima.
Kabilang sa mga naitalang kaso ang pagnanakaw ng mga gamit mula sa motorsiklo, partikular ang mga nakalagay sa utility box, habang may ilang sasakyan umano ang naiwang may susi.
Sa mga boarding house naman na pinasok ng mga magnanakaw, walang nakitang palatandaan ng forced entry.
Dahil dito, muling nanawagan ang pulisya sa publiko na maging mapagmatyag at tiyaking ligtas at maayos na nakaseguro ang kanilang mga ari-arian.
Samantala, bilang tugon sa mga insidente ng krimen, inilunsad ng Cagayan Police Provincial Office ang Enhanced Managing Police Operations (EMPO) upang paigtingin ang pagbabantay sa mga pangunahing rutang papasok sa Tuguegarao City, kabilang ang mga kalsadang nagmumula sa mga bayan ng Peñablanca, Solana, Enrile at Iguig.
Kasabay nito, inatasan din ng Police Regional Office 2 ang pagsasagawa ng security survey sa lahat ng paaralan sa rehiyon upang matukoy ang mga kahinaan sa seguridad at makapagbigay ng mga rekomendasyon sa mga administrador ng paaralan.
Nabatid na magsasagawa rin ng seminar-workshop para sa mga security guard, watchman at school marshal bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa krimen sa mga paaralan.
Ayon kay Matagay, mahigit 130 pulis at iba pang personnel mula sa iba’t ibang yunit ng Philippine National Police ang kasalukuyang nakadeploy araw-araw sa lungsod upang mapalakas ang police visibility, mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng publiko.










