Nasawi ang dalawang candidate soldier matapos tamaan ng heat stroke habang sumasailalim sa pagsasanay sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac, ayon sa Philippine Army.

Kinilala ang mga biktima na sina Candidate Soldier Johndyl L. Lemosniro, 19-anyos mula sa Davao del Norte, at Candidate Soldier Junel L. Flores, 24-anyos mula sa Basilan.

Pareho silang nawalan ng malay noong Mayo 26 habang nasa ilalim ng training sa School for Candidate Soldier.

Batay sa medical findings, ang kanilang pagkamatay ay dulot ng exertional heat stroke o matinding pagtaas ng temperatura ng katawan bunga ng mabigat na pisikal na aktibidad sa gitna ng matinding init ng panahon.

Ayon sa Philippine Army, agad silang isinailalim sa emergency medical treatment at inilipat sa Tarlac Provincial Hospital para sa mas masusing gamutan, ngunit hindi na sila naisalba ng mga doktor.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpaabot ng pakikiramay ang Army sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi at tiniyak na patuloy nilang rerepasuhin at paiigtingin ang mga safety at medical protocols sa kanilang mga training program.

Samantala, sinuspinde na rin ang dalawang training personnel na direktang nakatalaga sa mga nasawing trainee habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.