Tuguegarao City- Natukoy na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay na itinapon sa gilid ng kalsada sa boundary ng Barangay Buluan, Conner at Barangay Cato, Tuao, Cagayan.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Jessie James Ola-ao, 21 anyos, residente ng Brgy. Dagupan, Tabuk City habang hindi na pinangalanan pa ang kasama nitong menor de edad at residente ng Brgy. Nambaran, Tabuk City.
Una rito ay nakita ng nagja-jogging na miyembro ng Provincial Mobile Force Company- Apayao ang bangkay ng dalawa na natalian ng tape sa kamay at paa at nabalutan ng cellophane ang kanilang ulo dahil sa mga blood stain sa gilid ng kalsada.
Sa panayam kay PLT Caroline Bomyong, hepe ng PNP Conner, nagpaalam ang menor de edad na biktima sa kanyang magulang upang dumalo sa isang kasal kasama ang kaibigan na si Ola-ao nitong May 6 ngunit hindi na umuwi.
Nang matagpuan ng mga otoridad ang kanilang bangkay ay nakita ang mga tinamong tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang dalawang.
Sinabi ni Bomyong na patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaslang sa dalawa.
Sa ngayon ay naiuwi na ng pamilya ang mga labi ng dalawang biktima.