
Tiniyak ng Malacañang na mananatiling patas ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at hindi nito ipagkakait ang legal na tulong sa sinumang Pilipinong humihingi ng kaukulang remedyo sa batas, kabilang si Senador Ronald Bato Dela Rosa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sumusunod sa batas ang pamahalaan at hindi nito pinaiiral ang karahasan, sa gitna ng mga pahayag ni Dela Rosa kaugnay ng kaniyang sitwasyon matapos ang paglabas ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Castro na ang anumang tulong na maaaring maibigay sa mga mamamayan ay ipagkakaloob kung ito ay naaayon sa batas, anuman ang kulay politikal ng isang indibidwal.
Nauna nang nagpasalamat si Dela Rosa sa Malacañang matapos pahayag ng Palasyo na igagalang ng pamahalaan ang kaniyang karapatan bilang akusado alinsunod sa proseso ng batas.
Ang ICC ay naglabas ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs noong panahon ng administrasyong Duterte.
Samantala, sinabi rin ng Palasyo na maging ang mga biktima ng umano’y extrajudicial killings ay patuloy na humihingi ng proteksyon mula sa pamahalaan, at binigyang-diin na parehong igagawad ang nararapat na proteksyon sa lahat ng panig alinsunod sa batas.









