
Iginiit ni dating Senate President Franklin Drilon na walang nakasaad sa batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Senado na ilagay sa protective custody ang isang senador.
Ito ay kaugnay ng patuloy na pananatili ni Senador Ronald Bato Dela Rosa sa loob ng Senado matapos ang inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Ayon kay Drilon, ang konsepto ng protective custody ay karaniwang ginagamit lamang para sa mga sakop ng witness protection program o mga state witness, at hindi para sa mga halal na opisyal.
Nilinaw rin niya na bagama’t maaaring pinaiiral ito sa Senado bilang tradisyon at paggalang sa institusyon, wala umanong legal na basehan para dito.
Dagdag pa ni Drilon, nasa kapangyarihan ng Senate President ang pamamahala sa mga pasilidad ng Senado, kaya siya rin ang maaaring magpahintulot kung sino ang maaaring manatili roon.
Gayunman, binigyang-diin niya na maaaring maaresto si Dela Rosa sakaling ipatupad ng ehekutibo ang ICC arrest warrant.
Ipinahayag din ng dating lider ng Senado ang pagkadismaya sa mga pangyayari sa loob ng Senado kaugnay ng implementasyon ng warrant, na aniya ay nakababawas sa dignidad ng institusyon.
(VC DRILON)
Ayon pa sa kanya, may impluwensya ng pulitika at nalalapit na halalan ang mga kasalukuyang kaganapan, kabilang ang usapin ng impeachment na aniya ay hindi dapat maantala dahil nakasaad sa Saligang Batas na dapat itong agad na dinggin.









