Sumailalim sa nationwide assessment ng Department of Education ang halos 24,000 guro at education personnel na nais maging school principal bilang bahagi ng pagpapalakas ng liderato sa mga paaralan sa bansa.

Ayon sa DepEd, umabot sa 23,994 examinees ang kumuha ng 2025 National Assessment for School Heads o NASH Batch 2 noong Mayo 17 sa 65 testing sites sa buong bansa.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng assessment na palawakin ang bilang ng mga kwalipikado at handang maging school principal alinsunod sa programang “One School, One School Principal.”

Aniya, mahalagang mapalakas ang kakayahan ng mga school leader upang mapabuti ang kalidad ng basic education sa bansa.

Ginagamit din umano ang assessment upang matukoy ang kakulangan sa competencies ng mga examinee na magsisilbing batayan para sa mga leadership training at professional development programs ng DepEd.

-- ADVERTISEMENT --

Nagdeploy din ang ahensya ng mga monitor at technical personnel sa lahat ng rehiyon upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng pagsusulit.

Bahagi ang NASH ng mas malawak na education reform program ng DepEd na nakatuon sa pagpapahusay ng kalidad ng pagtuturo, performance ng mga paaralan, at learning outcomes ng mga estudyante.