Nanindigan si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may dokumento hinggil sa pagtanggap ng kickback sa proyekto nina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada kaya inirekomenda niya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan sa Ombudsman ang dalawang senador.

Ayon kay Lacson, ang testimonya ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo sa komite ay napatotohanan ng mga alokasyon sa General Appropriations Act (GAA) at iba pang dokumento.

Aniya, bukod tanging sina Villanueva at Estrada ang nakitaan ng ebidensiya dahil ang ibang dinawit ni Bernardo, tulad nina Senador Mark Villar, dating Senador Grace Poe at Nancy Binay ay kulang sa dokumento.

Matatandaang itinanggi na nina Villanueva at Estrada na tumanggap sila ng kickback sa mga proyekto.