Nasawi ang tatlong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit Auxiliary Unit (CAFGU) habang sugatan ang dalawa pa matapos silang pagbabarilin ng kanilang kasama sa Allangigan Patrol Base sa Brgy. Apatan, Pinukpuk, Kalinga, alas-7:45 ng gabi nitong Martes, Pebrero 17.

Ayon kay PCapt. Ruff Manganip, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office, katatapos lamang mag-duty ng suspek nang bigla niyang pagbabarilin ang kanyang mga kasama.

Tinamaan ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan: dalawa sa kanila ay idineklarang dead on the spot, habang isa pa ay dead on arrival sa ospital. Ang dalawang sugatan ay patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.

Agad namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril, ngunit narekober sa pinangyarihan ang mga basyo ng bala mula sa M16 rifle.

Ayon kay PCapt. Manganip, posibleng napikon ang suspek sa umano’y pambubully ng mga biktima kaugnay ng kanyang pagiging matandang binata.

-- ADVERTISEMENT --

Nahuli ang suspek kaninang ala-1 ng hapon sa Brgy. Apatan, Pinukpuk, Kalinga matapos isagawa ang hot pursuit operation ng mga otoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari upang matukoy ang motibo at kung may iba pang kasangkot.