Dead on the spot ang tatlong katao, at dalawang iba pang nasugatan sa pananambang sa kanilang sasakyan sa bahagi ng pambansang lansangan sa Barangay Naddungan, Gattaran, Cagayan kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang isa sa mga namatay na si Kit Diaz ng La Purisima, Aliaga, Nueva Ecija.

Kabilang sa mga nasawi ang kapatid na lalaki Ni Kit na hindi pa inilabas ang pangalan at isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Ang mga nasugatan naman ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital.

Batay sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, sakay ang mga biktima ng isang sport utility vehicle na may plate number na TLW-188 nang tambangan sila ng tatlong kalalakihan na sakay ng isang Hyundai Reina SUV.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos na pagbabarilin ng gunmen ang sasakyan ng mga biktima, hinila pa ng mga salarin ang mga biktima palabas ng sasakyan at iniwan sa gilid ng kalsada.

Ginamit ng mga salarin ang sasakyan ng mga biktima na getaway vehicle patungong hilaga.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente para makakuha ng lead, kabilang ang posibleng pagkakasangkot ng dating pulis mula sa bayan ng Buguey, na tinukoy na isa sa mga suspek.

Sa ngayon ay inaalam pa ang motibo sa nasabing pananambang.