Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang alegasyong naglabas umano ng ₱125 milyon na confidential funds sa loob lamang ng 24 oras.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., walang basehan ang pahayag ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at bagman ng bise presidente.

Sinabi ni Panelo na hindi kailanman naging empleyado o may kaugnayan si Madriaga sa opisina ni Duterte, at wala rin itong kinalaman sa confidential funds.

Iginiit din niya na nabigo si Madriaga na magpakita ng anumang dokumentong magpapatunay sa kanyang mga alegasyon, lalo na’t cash-based umano ang mga sinasabing transaksyon.

Kinuwestiyon din ng abogado ang kredibilidad ni Madriaga, dahil ang ipinakita lamang umano nitong ebidensya ay mga larawan sa kampanya, Zoom meetings, at isang birthday greeting video mula kay Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Panelo, hindi sapat ang mga ito upang patunayang may malapit na ugnayan ang dalawa, at ang birthday video ay karaniwang ginagawa para sa mga taong hindi personal na kakilala ng bise presidente.

Dagdag pa niya, kahit pumirma si Madriaga sa bank waiver, sarili lamang nitong mga account ang lalabas at hindi nito mapapatunayan ang anumang koneksyon kay Duterte.

Naniniwala rin si Panelo na may ibang motibo si Madriaga, at binanggit na nais umano nitong maging state witness bilang paraan upang makalabas ng kulungan.