
Mayorya ng mga Pilipino ang suportado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, batay sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Isinagawa ang survey mula Marso 19 hanggang 25 sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.
Pinakamataas ang suporta sa Visayas na umabot sa 83%, sinundan ng National Capital Region na may 81%, at Balance Luzon na may 69%.
Pinakamababa naman sa Mindanao na may 61%, na siya ring may pinakamataas na tutol sa 38%.
Sa hanay ng mga sektor, mayorya sa lahat ng antas ng lipunan ang pabor sa impeachment trial, ngunit pinakamababa sa Class E na may 54%.
Batay sa edad, pinakamalakas ang suporta mula sa mga kabataang edad 18 hanggang 24 na may 77%, habang pinakamababa sa edad 45 hanggang 54 na may 60%.
Mas mataas din ang suporta sa mga rural area na may 75% kumpara sa urban areas na may 63%.
Bahagyang mas pabor ang kababaihan sa 70% kumpara sa kalalakihan na may 68%.
Samantala, 87% ng mga respondent ang nagsabing may kaalaman sila sa impeachment case laban sa bise presidente.
May margin of error na ±3% ang survey sa 95% confidence level.










