Nanawagan si Senator Francis Pangilinan sa Department of Agriculture na gamitin ang humigit-kumulang ₱18 bilyong hindi nagamit na pondo noong nakaraang taon para sa subsidiya sa krudo at abono ng mga magsasaka at mangingisda na apektado ng krisis sa Middle East.

Ayon sa senador, maaaring kunin ang halaga mula sa hindi nailabas na pondo para sa farm-to-market roads na ₱10 billion at ₱8 billion unobligated appropriations.

Bukod dito, may iba pang posibleng mapagkunan ng pondo ang ahensya kabilang ang ₱1 billion mula sa energy conservation, ₱2 billion mula sa research funds, at ₱16 billion mula sa fertilizer budget.

Sinabi rin ni Pangilinan na maaari pang i-realign ang hanggang ₱32 billion mula sa budget ng Office of the Secretary, alinsunod sa mga umiiral na batas at pahintulot ng Pangulo.

Nauna nang inanunsyo ang ₱10 billion cash assistance mula sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, kung saan inaasahang makatatanggap ng tig-₱2,325 ang mahigit 4.1 milyong benepisyaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Babala ng senador, maaaring magkaroon ng food shock dahil sa epekto ng sigalot sa Middle East sa global supply ng fuel, abono, at pagkain, na magtutulak sa pagtaas ng gastos sa produksyon at presyo ng pagkain sa bansa.