
Natunton na ng mga awtoridad ang pinagmulan ng kumakalat na fake news tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunman nananatiling confidential ang detalye habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, isinasagawa ang kaso katuwang ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center at naisumite na ang mga natuklasan sa Philippine National Police at Department of Justice para sa posibleng pagsasampa ng kaso.
Ipinaliwanag niya na kahit burahin o alisin ang mga post sa social media, nananatili pa rin ang mga ito sa mga platform at maaaring gamitin bilang ebidensya sa korte.
Dagdag pa niya, nakikipagtulungan ang mga online platform sa pamahalaan upang mapanatili ang digital evidence na maaaring ma-access sa pamamagitan ng subpoena o court order.
Nagbabala ang DICT sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na hindi sila ligtas sa pananagutan dahil naiiwan ang kanilang digital footprint.
Pinalalakas na rin ng mga awtoridad ang pagbabantay laban sa pagkalat ng disinformation, lalo na sa mga isyu tulad ng kalusugan ng pangulo at krisis sa langis.










