
Dead on the spot ang apat na magkakaanak sa pamamaril kagabi sa Sitio Esrael, Barangay New Abra, Matalam, Cotabato.
Ayon sa Matalam Municipal Police Station, alas-7:10 kagabi nanag makatanggap sila ng tawag mula sa 40th Infantry Battalion ng Philippine Army kaugnay ng insidente.
Kinilala ng Matalam MPS, ang mga nasawing biktima na sina Rashid Sahay Mampo, Rica Jane Maidlos, Daryl Mampo Diansay at Russel Kim Mampo Diansay habang sugatan naman at kasalukuyang ginagamot sa Amas Provincial Hospital ang biktimang si Ebrahim Mampo Lamalan.
Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na ang mga biktima matapos makikonek sa WiFi sa bahay ng isang Eddie Belandres nang bigla silang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang armadong mga suspek gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Agad na tumakas ang mga suspek patungong Sitio Malupayag, Barangay New Abra.
Nagpapatuloy ang manhunt sa mga suspek at imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Tinutukoy na rin ang motibo sa pamamaril.







