Matagumpay na nailigtas ang apat na tripulanteng sakay ng isang Taiwanese yacht vessel na nakaranas ng engine trouble habang naglalayag sa karagatang sakop ng Calayan, Cagayan.

Ayon kay Ens Erika Faith Coloso, tagapagsalita ng Coast Guard District North Eastern Luzon, galing taiwan port at papuntang Subic Zambales ang yate na nagngangalang “Ian No. 77” nang makaranas ng pagkasira ng makina humigit-kumulang 44 nautical miles hilagang-kanluran ng Dibay, Calayan.

Bilang tugon, nagsagawa ng radio challenges ang PCG sa mga barkong dumadaan sa lugar upang humingi ng tulong, habang naipadala na ang BFAR vessel upang magsagawa ng towing operation patungong Santa Ana, Cagayan para sa karagdagang imbestigasyon.

Samantala, sa pagdiriwang ng Semana Santa 2026, naitala ang kabuuang sampung insidente ng pagkalunod sa ibat ibang bahagi ng rehiyon.

Kabilang sa mga lokasyon ng pagkalunod ay sa Annafunan West; Baler, Aurora; Alacapan; Maura,Aparri; Lal-lo; Claveria; at Quibal, Penablanca.

-- ADVERTISEMENT --

Sa sampung biktima, apat lamang ang nailigtas, habang anim ang binawian ng buhay.

Ang mga nailigtas ay agad na isinailalim sa medical assessment ng MDRRMO at mga doktor sa mga health center o ospital, at sa kasalukuyan ay nasa maayos nang kalagayan at nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan.

Patuloy naman ang pagbabantay ng PCG sa mga pantalan at dagat, lalo na ngayong panahon ng pagdagsa ng mga turista.

Napansin din ang pagbaba ng bilang ng mga turista ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na posibleng dulot ng mataas na presyo ng langis.