
Nasagip ang isang 44-anyos na babae matapos ang 20 oras na palutang-lutang sa Ionian Sea sa Greece, matapos umano siyang tumalon mula sa isang cruise ship.
Ayon sa Greek coast guard, sakay ang Salvadorian na babae ng Odyssey of the Seas nang mangyari ang insidente noong Biyernes, timog-kanluran ng isla ng Zakynthos.
Sinabi umano ng babae sa mga sumagip sa kaniya na tumalon siya dahil nais niyang bumaba sa barko.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang coast guard at navy helicopter, katuwang ang mga kalapit na barko.
Natagpuan siya ng isang dumaraang cargo ship noong Sabado, habang nakahawak sa isang lifebuoy at nasa malay na kalagayan.
Dinala siya sa ospital para sa mga pagsusuri sa kalusugan, kabilang ang psychiatric evaluation na iniutos ng lokal na piskal.







