
Ide-deploy sa Cagayan National High School (CNHS) ang limang karagdagang pulis simula bukas, araw ng Miyerkules, Hunyo 24, bilang bahagi ng mga hakbang upang higit pang mapalakas ang seguridad sa loob ng paaralan.
Ito ang kinumpirma ni CNHS Junior High School Principal Eduardo Dela Rosa kasunod ng isinagawang pulong sa pagitan ng pamunuan ng paaralan at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na pinangunahan ni Police Brigadier General Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2.
Ayon kay Dela Rosa, dumalo rin sa pulong ang mga security guard, department heads, student leaders, at iba pang kinatawan ng paaralan upang talakayin ang mga hakbang na magtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani.
Aniya, bukod sa dalawang pulis na dati nang nakaatas sa paaralan, limang karagdagang pulis mula sa regional office ang magbabantay sa mga campus ng Junior High School at Senior High School.
Sinabi ni Dela Rosa na magsisimula ang police visibility mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi, na tututok lalo na sa mga oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante.
Sa kasalukuyan, mahigpit na ipinatutupad ng paaralan ang pagsusuot ng school ID at hinihikayat din ang paggamit ng school uniform upang madaling matukoy ang mga estudyante at maiwasan ang pagpasok ng mga hindi awtorisadong indibidwal sa campus.
Nilinaw naman ng punong-guro na wala pang ipinatutupad na mandatory bag inspection sa lahat ng estudyante dahil kinakailangan pa itong dumaan sa kaukulang proseso at pag-apruba mula sa Schools Division Office.
Gayunman, maaari umanong magsagawa ng random inspection kung kinakailangan.
Sa pinakahuling tala, mayroong 4,667 mag-aaral ang CNHS Junior High School habang mahigit 3,000 naman ang nasa Senior High School, na umaabot sa mahigit 7,000 estudyante ang kabuuang populasyon ng dalawang departamento.
Nagpasalamat naman si Dela Rosa sa agarang pagtugon ng PNP sa kahilingan ng paaralan para sa dagdag na police visibility upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng CNHS.










