Nagpahayag ng pagkabahala ang mga transport group sa Cagayan dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ayon sa ilang van driver ng Northway Transport Terminal sa Tuguegarao City, sinabi ni Joel Salem, na bagamat tumaas ng P20 ang pamasahe hindi pa rin umano ito sapat para matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sinabi rin ni Salem na halos kalahati na lamang umano ng dati niyang kinikita ang naiuuwi niya ngayon.

Malaki rin aniya ang kinakaltas sa kanilang kita para sa gasolina, kung saan umaabot na umano sa ₱2,500 ang pagpapakarga niya ng full tank.

Samantala, ramdam din ng mga tricycle driver ang epekto ng panibagong oil price hike.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Johnny Mora, Board of Trustee ng Northway Transport Terminal TODA, hindi na rin umano sapat ang ₱4 na dagdag-pasahe na ipinagkaloob sa mga tricycle noong Mayo, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Iginiit din ni Mora na nais niyang maunawaan ng publiko ang sitwasyon ng mga tricycle driver, partikular sa usapin ng tinatawag na “capacity culture.”

Aniya, may mga pagkakataong hindi agad umaalis ang tricycle hangga’t hindi napupuno ang kapasidad nito dahil kung aalis nang kulang ang sakay, mas malaki ang posibilidad na hindi mabawi ng driver ang gastos sa gasolina.

Para naman sa mga pasaherong tumututol dito, sinabi ni Mora na maaari namang ihatid ang mga ito sa itinakdang parking area patungo sa kanilang destinasyon, o kaya naman ay hintayin na mapuno ang tricycle upang hindi na kailangang bayaran ang mga bakanteng upuan.

Kasabay nito, nanawagan si Mora sa pamahalaan na gumawa ng agarang hakbang upang makatulong na mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.

Aniya, labis na napapasan ng mga tsuper at operator ang bigat ng lingguhang pagtataas sa presyo ng petrolyo.

Matatandaan na muling ipinatupad ngayong Linggo ang panibagong malakihang oil price hike.