
Puspusan na ang paghahanda ni Miss Elite Global Philippines 2026 Thea Samantha Lacanlalay ng Tuguegarao City para sa Miss Elite Global 2026 na gaganapin sa Jakarta, Indonesia mula Agosto 22 hanggang 29.
Nagpasalamat si Lacanlalay sa mga sumuporta sa kanya at nangakong ipapakita ang pagiging tunay na Cagayano at Pilipino sa international pageant na lalahukan ng mahigit 30 kandidata mula sa iba’t ibang bansa.
Kasalukuyan rin siyang sumasailalim sa masinsinang pagsasanay at humihingi ng suporta mula sa iba’t ibang sektor para sa kanyang kampanya.
Ayon sa kanya, isa sa mga hamon ang pakikisalamuha sa mga delegado mula sa iba’t ibang kultura, ngunit naniniwala siyang hindi ito magiging hadlang sa pagtataguyod ng pagkakaibigan at layunin ng kompetisyon.
Bilang defending champion ang Pilipinas sa Miss Elite Global matapos ang sunod na panalo noong 2024 at 2025, hangad ni Lacanlalay na maipagpatuloy ang magandang record ng bansa.
Kamakailan ay humarap din siya sa Sangguniang Panlungsod ng Tuguegarao upang humiling ng suporta para sa kanyang paghahanda.










