Umabot na sa 51 katao ang nasawi matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa silangang bahagi ng Indonesia nitong Sabado, ayon sa mga awtoridad.

Tinatayang 5,000 residente ang inilikas dahil sa malakas na pagyanig, habang 36 katao ang malubhang nasugatan at 77 naman ang nagtamo ng minor injuries.

Sinundan ang lindol ng nasa 341 aftershocks na nagdulot din ng pagguho ng lupa at pagkaputol ng ilang kalsada.

Sa Sikka, mahigit 3,300 residente ang nagsilikas o pansamantalang nananatili sa mga evacuation area, habang ilang pamilya ang napilitang matulog sa mga tolda matapos masira ang kanilang mga bahay.

Mahigit 1,300 bahay naman ang napinsala at ilang residente ang pinaniniwalaang naipit sa mga gumuhong gusali.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa 3,500 sundalo at pulis ang ipinakalat para tumulong sa search and rescue at relief operations.

Patuloy naman ang pagtugon ng mga awtoridad sa mga lugar na naapektuhan, habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagdedeklara ng state of emergency sa lalawigan upang mapabilis ang pagmomobilisa ng mga kinakailangang pondo at kagamitan.