Patay ang isang 61-anyos na babae matapos na tatlong beses masagasaan ng mga sasakyan sa Quezon City.

Ayon sa pulisya, sinabing nangyari ang trahediya noong gabi ng May 17 sa panulukan ng Illinois Street at Aurora Boulevard sa Barangay Silangan.

Madilim umano sa lugar at walang tamang tawiran.

Sa video footage, makikita ang pagtawid ng biktima nang mahagip siya ng isang lumikong itim na SUV.

Umusad pa ang SUV ng ilang metro bago tumigil sa tabi.

-- ADVERTISEMENT --

Bumaba ang driver nito pero tiningnan lang ang bahagi ng kaniyang sasakyan na tumama sa biktima, iniwan ang nakahandusay na biktima.

Isa na namang SUV ang lumiko at nahagip umano ang paa ng nakahandusay na biktima.

Hindi rin tumigil ang naturang SUV.

Ilang saglit lang, isang kotse naman ang nakasagasa sa biktima.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng kotse na tumigil nang makita ang biktima.

Patuloy na hinahanap ng awtoridad ang dalawang driver na unang nakasagasa sa biktima.

Samantala, nakaburol na sa Bulacan ang biktima, at desidido umano ang anak nito na papanagutin ang mga driver na nakasagasa sa kaniyang ina.