Timbog ang walong kalalakihan mula sa iba’t ibang lalawigan matapos maaktuhang tumatanggap ng taya sa ipinagbabawal na sugal na “drop ball” sa isang peryahan sa Brgy. Poblacion 2, Piat, Cagayan,noong Hunyo 20, 2025.

Ayon kay PCapt. Melody Ballesteros, Deputy Chief ng Piat Police Station, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Piat Police Station, at 4th Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC), na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek habang aktwal na nangongolekta ng taya.

Kilala ang “drop ball” bilang isa sa mga ipinagbabawal na uri ng sugal sa bansa.

Lumabas din sa imbestigasyon na walang naipakitang permit ang may-ari ng peryahan.

Nasamsam sa lugar ang apat na ping pong tables, trays, ping pong balls, stainless cone rings, coin banks, at iba pang gambling paraphernalias.

-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa kabuuang halagang ₱15,907 ang nakumpiskang pera mula sa tatlong mesa—₱8,427 sa unang mesa, ₱2,465 sa ikalawa, at ₱5,015 sa ikatlo.

Kabilang sa mga nahuli ay pawang mga residente mula sa Ilocos Sur, Pangasinan, Buguey (Cagayan), Dagupan City, at Ifugao.

Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 as amended by Republic Act 9287, na nagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang sangkot sa ilegal na sugal.

Isinagawa ang inquest proceedings laban sa mga suspek sa Tuguegarao City kahapo, June 21, 2025.

Nagpaalala naman ang Piat PS sa publiko na iwasan ang lahat ng uri ng ilegal na sugal.