Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection ang sanhi at ang kabuuang pinsala ng nangyaring sunog sa isang auto supply sa Balzain Highway, Tuguegarao City, Martes ng gabi.

Ayon kay Fire Chief Inspector Francis Barcellano ng BFP-Tuguegarao, nagsimula ang sunog bandang 7:30 PM sa auto supply na pagmamay-ari ni G. Liu.

Tinatayang aabot sa 1,000 square meters ang lawak ng gusali na naglalaman ng mga goma (heavy equipment tires), langis, acetylene, oxygen tanks, at iba pang flammable materials, kabilang ang pahingahan ng mga trabahador.

Agad na rumesponde ang mga bumbero, ngunit nahirapan silang makapasok sa loob dahil sa mga nakasaradong accordion doors.

Kinailangan pang gumamit ng bolt cutter at heavy equipment upang tuluyang makapasok sa nasusunog na gusali.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa mga highly combustible materials, mabilis na kumalat ang apoy.

Na-contain ang apoy bandang 9:00 PM sa tulong ng ibat ibang fire stations sa Tuguegarao City at karatig na bayan, kabilang ang special fire truck mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines O CAAP na may foam attachment.

Sa kabutihang palad, walang naitalang nasawi sa insidente subalit may ilang responders ang nagtamo ng minor injuries dahil sa tumalsik na langis habang pinapatay ang apoy.

Pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagiging usisero sa lugar ng sunog upang hindi makaistorbo sa mga responders.

Hinihikayat din ang lahat na maging maingat at mapagmatyag sa kanilang mga ari-arian upang maiwasan ang ganitong sakuna.

Nagpasalamat naman ang mga BFP sa PNP, POSO, at iba pang tumulong upang mapanatili ang kaayusan sa lugar habang isinasagawa ang pag-apula sa sunog.