Naglunsad ang Ukraine ng sinasabing pinakamalaking drone attack sa Moscow habang isinasagawa ang huling araw ng parliamentary elections sa Russia.

Ayon kay Moscow Mayor Sergei Sobyanin, dalawang tao ang nasawi sa Moscow region, habang dalawa pa ang namatay sa Russian-controlled na bahagi ng Kherson, kabilang ang isang election official. Nasira rin ang isang bahagi ng oil refinery sa Moscow.

Sinabi ni Sobyanin na napigilan ng Russia ang pag-atake at inakusahan ang Ukraine na layuning guluhin ang halalan, bagama’t wala pang independiyenteng beripikasyon sa naturang pahayag. Hindi naman agad nagkomento ang Kyiv sa mga pag-atake.

Kasabay nito, natapos ang tatlong araw na botohan para sa State Duma, ang unang parliamentary election sa Russia mula nang ilunsad nito ang full-scale invasion sa Ukraine noong 2022.

Ayon sa Russian electoral authorities, lumampas sa 50 porsyento ang voter turnout bago matapos ang botohan. Inaasahang magsisimula ang paglabas ng partial results ngayong araw, Setyembre 20, habang mas kumpletong resulta ay inaasahan sa Setyembre 21.

-- ADVERTISEMENT --