
Ibinaba ng Senate impeachment court ang bilang ng boto na kakailanganin para ma-convict si Vice President Sara Duterte, matapos pagpasiyahan na ibatay ang two-thirds vote sa mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa impeachment proceedings.
Labintatlong senator-judge ang bumoto pabor sa mosyon ni Senator-judge Erwin Tulfo na muling isaalang-alang ang naunang ruling ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero noong Hulyo 6, na nagtakda ng 16 na boto bilang kailangan para sa conviction.
Si Escudero lamang ang bumoto laban sa mosyon, habang anim na senador ang hindi lumahok sa botohan.
Kabilang sa hindi nakalalahok ang mga senador na detained, may legal na restriksyon, hindi matagpuan, may medical incapacity, o wala sa saklaw ng coercive processes ng Senado.
Ayon kay Escudero, ang natitirang kwalipikadong senador ang magiging basehan sa pagkukuwenta ng two-thirds vote. Kapag may fraction sa resulta, ira-round up ito sa susunod na buong bilang.
Nilinaw naman ni Escudero na ang bagong ruling ay para lamang sa impeachment trial ni Duterte at hindi awtomatikong magiging precedent sa mga susunod na impeachment proceedings.
Magkakaiba rin ang naging pananaw ng mga inimbitahang constitutional experts. Sina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr. ay nagsabing dapat ibatay ang threshold sa mga senator-judge na aktuwal na lumahok sa paglilitis, habang sinabi naman ni Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatili ang requirement na 16 na boto, batay sa kabuuang miyembro ng Senado.










