Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong indibidwal na naaresto sa isinagawang anti-illegal drug operation sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Junjun, Marcos at Henry, na nasa High Value Target lists at pawang residente sa bayan ng Sta. Ana.

Ayon kay PCAPT Shiela Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, matagal nang minamanmanan ng intelligence operatives ang tatlo bago isinagawa ang operasyon.

Mahigit P700,000 ang tinatayang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa mga suspek.

Pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit ang operasyon, katuwang ang Regional Intelligence Division.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ng Amulung Police Station ang tatlo at inihahanda para sa inquest proceedings kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Isinagawa rin ang inventory at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga suspek, barangay officials, kinatawan ng Department of Justice at media.