Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban sa 46 na indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mga personal protective equipment, COVID-19 testing kit at iba pang medical supplies noong pandemya.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Oktubre 16, umaabot sa P11 bilyon ang halagang sangkot sa reklamo.

Kabilang sa mga respondent sina Lloyd Christopher Lao, dating pinuno ng Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM, at negosyanteng si Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Remulla, 23 sa 46 na respondent ang hindi matagpuan sa kanilang mga kilalang tirahan sa kabila ng mga pagtatangkang hanapin sila.

Kabilang sa mga hindi matunton sina Huang Tzu Yen, chairman ng Pharmally; Twinkie Dargani, presidente ng kompanya; Mohit Dargani, corporate secretary at treasurer; at iba pang opisyal at tauhan ng Pharmally, gayundin si Michael Yang at ilang indibidwal na iniuugnay sa mga kumpanyang Pai Li Holdings at Pai Hong Realty.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Agosto 2025, nauna nang umapela ng not guilty si Lao sa Sandiganbayan kaugnay ng hiwalay na kasong graft na may kinalaman sa umano’y maanomalyang pagbili ng P4.4 bilyong medical supplies mula sa Pharmally sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.