Arestado ang isang 32-anyos na lalaki dahil sa kasong serious illegal detention at itinuturing ding person of interest sa pagkamatay ng kaniyang kinakasama na natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa Rodriguez, Rizal.

Dinakip ang lalaki habang nasa nakaparada niyang sasakyan sa harap ng isang convenience store sa Aurora Boulevard, Cubao, Quezon City.

Ayon sa pulisya, may arrest warrant laban sa suspek na inilabas ng isang korte sa Parañaque kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa noong 2025 ng kasambahay nila ng nasawing babae.

Natagpuan ang bangkay ng babae sa loob ng isang apartment sa Rodriguez noong Setyembre, matapos mapansin ng landlord ang mabahong amoy na nagmumula sa lugar.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinakal umano ang biktima bago inilagay ang kaniyang mga labi sa loob ng refrigerator.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi naman ng suspek na nasa lugar siya nang mangyari ang insidente, ngunit tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa mga mamamahayag.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriguez Municipal Police Station, hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng DNA examination bago isumite sa provincial prosecutor ng Rizal ang mga dokumento para sa planong pagsasampa ng kasong murder.

Hindi pa nangangahulugang sangkot sa pagkamatay ng babae ang pagkakaaresto sa lalaki dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.