Pitong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasugatan sa mga pag-atake sa Saudi Arabia, kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Batay sa impormasyong natanggap mula sa Department of Migrant Workers (DMW), nakikipag-ugnayan na ang DFA at DMW sa mga awtoridad ng Saudi Arabia upang matiyak ang kinakailangang gamutan at tulong para sa mga nasugatang Pilipino.

Naganap ang mga pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh noong Oktubre 10, na iniulat na ikinasawi ng hindi bababa sa 12 katao at ikinasugat ng mahigit 300 iba pa.

Nanawagan naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa lahat ng panig na itigil ang mga pag-atake at isulong ang mapayapang resolusyon sa pamamagitan ng diyalogo at diplomasya.

Pinayuhan din ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad at manatiling nakikipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Konsulado sa Jeddah.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, 34 OFWs mula Saudi Arabia ang nakabalik na sa Pilipinas nitong Lunes, habang 65 pa ang inaasahang darating ngayong Martes, Oktubre 20.