Walang Pilipinong napaulat na nasangkot o nasaktan sa mga malawakang protesta sa France at Italy, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Embassy sa Paris at Philippine Consulate General sa Milan, wala pang naitatalang Pilipinong naapektuhan ng kaguluhan sa dalawang bansa.

Sa France, nauwi sa mararahas na kaguluhan ang mga protesta laban sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay at paghina ng mga serbisyong pampubliko. Ilang pampublikong gusali ang pinuntirya, habang may mga ulat din ng pagnanakaw sa mga tindahan at pag-atake sa mga pulis.

Samantala, nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at demonstrador sa Milan, Italy, kasunod ng mga protesta laban sa kakulangan ng serbisyong pampubliko at pagtaas ng gastusin.

Dahil dito, pinayuhan ng Philippine Consulate General sa Milan ang mga Pilipino sa hilagang bahagi ng Italy na mag-ingat, umiwas sa malalaking pagtitipon at mga lugar na pinagdarausan ng protesta, lalo na sa gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ang mga Pilipino na agad ipagbigay-alam sa konsulado ang anumang insidenteng kinasasangkutan ng mga kababayan upang ma-monitor ang sitwasyon at maibigay ang kinakailangang tulong.