Sinisi ng isang grupo ng mga magsasaka ang kakulangan sa pasilidad ng inspeksyon sa mga pantalan at iba pang lugar ng pagdating ng kargamento bilang isa sa mga dahilan ng malawakang pagpasok ng mga smuggled na produktong agrikultura sa bansa.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairperson Rosendo So, dapat magkaroon ang Department of Agriculture (DA) ng tinatawag na “first border” upang masuri ang mga inaangkat na produkto pagdating pa lamang ng mga ito sa bansa.

Paliwanag ni So, nakasaad sa batas na dapat unahing inspeksyunin ng DA ang mga produktong agrikultura upang matiyak na nasusunod ang mga umiiral na regulasyon.

Binigyang-diin niya na kailangang maitayo ang naturang pasilidad upang masubaybayan nang maayos ang mga imported na produkto at maiwasan ang paglusot ng mga ilegal na kargamento.

Kasunod ito ng ulat hinggil sa umano’y pagpasok ng mga smuggled na carrots, broccoli at iba pang highland vegetables sa Cordillera Administrative Region, na ipinag-utos nang imbestigahan ng DA.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa ulat ng DA-Cordillera, may natukoy na imported na broccoli na ibinebenta sa tatlong puwesto sa Hangar Market sa Baguio City. Isa sa mga ito ang may packaging na may markang “Product of China.”

Umaasa ang SINAG na mapalalakas ang inspeksyon sa mga inaangkat na produktong agrikultura upang mapigilan ang smuggling at maprotektahan ang lokal na industriya ng pagsasaka.