Nanawagan ang mga magsasaka sa Cagayan Valley sa pamahalaan na dagdagan ang pondo para sa agrikultura sa 2027 upang matugunan ang kakulangan sa ayuda, mabagal na pamamahagi ng subsidiya at iba pang suliranin sa sektor.

Ayon kay Dominga Aberion, lider ng mga magsasaka sa rehiyon, limitado umano ang pondong inilaan ng Department of Agriculture (DA) para sa pangangailangan ng mga magsasaka ng palay at mais.

Kabilang sa mga pangunahing hinaing ng grupo ang mabagal na pamamahagi ng fuel subsidy at Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk, na mahalaga sana sa pagtugon sa mataas na gastusin sa pagsasaka.

Giit ni Aberion, hindi sapat ang natatanggap na subsidiya upang matugunan ang mga utang at gastusin ng mga magsasaka, lalo na kung naaantala ang pagdating ng tulong.

Kinuwestiyon din ng grupo ang listahan ng mga benepisyaryo dahil may mga kwalipikadong magsasaka umanong hindi nakasama, habang nananatili naman sa talaan ang pangalan ng ilang pumanaw na indibidwal.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, hinimok nila ang DA na rebisahin ang mga listahan at tiyaking nakararating ang ayuda sa mga tunay na nangangailangan.

Hiniling din ng grupo ang tulong pinansyal at makatarungang sahod para sa mga manggagawang bukid na walang sariling lupa at umaasa lamang sa trabaho tuwing panahon ng anihan.

Sa kanilang petisyon sa DA, iginiit din ng mga magsasaka ang agarang pagpapalabas ng fuel subsidy para sa mga kwalipikadong magsasakang may makinarya, gayundin ang suporta para sa mga manggagawang bukid.

Samantala, nangako si Aberion na magpapatuloy ang kanilang pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa sapat na suporta, makatarungang sahod, lupa at kabuhayan.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang lokal na produksyon sa halip na umasa sa importasyon upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng bansa.