
Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na karapatan ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte ang pagsasampa ng kasong libel at cyberlibel kaugnay ng mga alegasyon laban sa kaniya.
Ayon kay Matibag, hindi nila maaaring pigilan o diktahan si Duterte sa kaniyang desisyong idulog sa korte ang usapin.
Nagsampa ng reklamo si Duterte kasunod ng mga pahayag ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., na nagsabing naghatid siya ng pera kina Duterte, Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte, alinsunod umano sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Itinanggi ng mga Duterte at ni Velasco ang mga alegasyon sa pamamagitan ng kani-kanilang sinumpaang salaysay.
Sinabi ni Matibag na hinihintay pa niya ang kopya ng complaint-affidavit ni Duterte. Idinagdag niyang naimbitahan na ng NBI ang kongresista upang magbigay-linaw sa mga alegasyon at tumugon naman ang abogado nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI sa mga pahayag ni Gracioso.










