
Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palalawakin pa ang pagtatayo ng mga solar-powered irrigation system sa bansa upang mabawasan ang epekto ng inaasahang Super El Niño sa mga magsasaka.
Inihayag ito ng Pangulo sa pagpapasinaya ng Tugbong Solar Pump Irrigation Project sa Kananga, Leyte nitong Biyernes. Magsusuplay ito ng tubig sa 115 ektarya ng palayan sa mga barangay ng Tugbong at Sto. Niño.
Samantala, magsisilbi naman sa 70 ektarya ng sakahan at mahigit 80 magsasaka ang Guintigui-an Solar Pump Irrigation Project sa Ormoc City.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang paggamit ng solar power upang makatipid ang mga magsasaka sa gastos sa krudo na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga water pump. Tinatayang aabot sa ₱20,000 kada cropping season ang maaaring gastusin sa diesel para sa patubig.
Sinabi rin ng Pangulo na namamahagi ang Department of Agriculture ng mas maliliit na solar-powered water pump upang higit pang mapababa ang gastos sa irigasyon.
Sa ngayon, nasa 3,000 solar pump irrigation system na ang naitatag sa buong bansa, habang nasa 70 porsiyento na umano ng mga lupang maaaring patubigan ang may irigasyon.
Binigyang-diin ni Marcos na prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalawak ng mga pasilidad sa patubig dahil inaasahang mas matindi ang El Niño at maaari itong magpatuloy hanggang sa susunod na taon.










