
Sinuportahan ng mga grupo ng mangingisda sa Palawan ang panawagang hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapauwi sa China kay Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa pahayag nitong madaling matatalo ng Beijing ang Pilipinas sakaling gumamit ito ng puwersa.
Sa isang press conference ng Atin Ito Coalition, kinondena rin ng mga lider ng mga mangingisda ang patuloy na panggigipit ng China na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Rafaela David, convenor ng Atin Ito at pangulo ng Akbayan Party, hindi katanggap-tanggap ang pagbabanta ng isang kinatawan ng dayuhang bansa laban sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng grupo na nanganganib dahil sa mga hakbang ng China ang kaligtasan ng mga mangingisda, kita ng kanilang mga pamilya at suplay ng pagkain.
Samantala, naghain na si Senador Risa Hontiveros ng resolusyon na humihiling kay Marcos na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa pamahalaan ng China ang pagpapabalik sa ambassador.
Nauna nang ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Jing upang ipabatid ang matinding pagkabahala at pagtutol ng Pilipinas sa kaniyang mga pahayag.










