Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa kahina-hinalang alok na trabaho sa Russia matapos masabat ang isang 50-anyos na Pilipino sa Mactan-Cebu International Airport noong Oktubre 10.

Ayon sa BI, inalok ang lalaki ng trabahong K9 handler na may suweldong 3,500 US dollars kada buwan. Nakipag-ugnayan umano sa kaniya ang recruiter sa pamamagitan ng WhatsApp at pinayuhan siyang magpanggap na turista upang maitago ang tunay na layunin ng kaniyang paglalakbay.

Dahil dito, pinayuhan ng BI ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na beripikahin ang mga job offer sa Department of Migrant Workers at tiyaking kumpleto ang mga dokumento at work authorization bago bumiyahe.

Ayon sa BI, maaaring magsimula ang human trafficking sa mga trabahong mukhang lehitimo ngunit gumagamit ng mapanlinlang na paraan ng recruitment.