Nasakote na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang 20-anyos na kolehiyala sa Lipa City, Batangas, matapos umanong umupa ang matagal nang manliligaw ng biktima ng isang lalaki upang paslangin ito kapalit ng ₱10,000.

Kinilala ang biktima na si Jazmine Iya Martinez, na natagpuang patay matapos magtamo ng limang saksak sa Barangay Duhatan.

Ayon sa pulisya, natukoy ang umano’y sumaksak sa biktima na si alyas “Lance” sa pamamagitan ng kaniyang kasuotan noong mangyari ang krimen, na nakita rin sa construction site na kaniyang pinapasukan.

Inamin umano ni Lance ang pananaksak at sinabi sa mga awtoridad na inutusan siya ni alyas “Kevin,” na halos dalawang taon nang nanliligaw sa biktima ngunit hindi sinasagot ng dalaga.

Ayon kay Lance, natakot siyang magsumbong dahil binantaan umano siyang ipapapatay kapag isiniwalat niya ang krimen. Isinuko rin niya sa pulisya ang mga ebidensiyang may kaugnayan sa insidente, kabilang ang motorsiklo, patalim at cellphone.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi naman ni Kevin ang paratang laban sa kaniya. Sinabi ng mga magulang ng biktima na hindi nila kilala ang mga suspek at hindi nila alam na may manliligaw ang kanilang anak.

Umaasa ang pamilya na makakamit ng kanilang anak ang hustisya ngayong nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek.