Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga recruiter na umano’y umaakit sa mga Pilipino na magtrabaho sa mga lugar na may armadong labanan kapalit ng pangakong mataas na sahod sa ibang bansa.

Kasunod ito ng pagharang sa tatlong Pilipino na hinihinalang nire-recruit bilang mga sundalo at border guard sa Eastern Europe. Ang mga biktima, edad 21, 50 at 51, ay naharang sa Davao International Airport noong Oktubre 17 bago ang nakatakda nilang pag-alis.

Ayon sa mga ito, ipinangako sa kanila ang buwanang sahod na ₱200,000 para sa nasabing mga trabaho.

Iniutos ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng intelligence operations at pagbabantay sa mga hinihinalang ilegal na recruiter, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang pagdami ng mabibiktima.

Binigyang-diin ni Nartatez na hindi dapat malinlang ang mga Pilipino ng mga pangakong trabaho na maaaring maglagay sa kanilang buhay at kinabukasan sa panganib.

-- ADVERTISEMENT --

Ang babala ay kasunod ng mga ulat na hindi bababa sa tatlong Pilipino na ang nasawi sa armadong labanan sa pagitan ng Ukraine at Russia.