Daan-daang estudyante at grupo ng civil society ang nagprotesta sa ilang lungsod sa Indonesia nitong Miyerkules laban sa mga polisiya ni Pangulong Prabowo Subianto, kabilang ang paraan ng pamahalaan sa pagtugon sa patuloy na mga sunog sa kagubatan.

Ayon sa mga nagpoprotesta, dapat ideklara ng pamahalaan bilang pambansang kalamidad ang mga sunog na nagdudulot ng makapal na usok, polusyon sa hangin at pagtaas ng mga kaso ng sakit sa paghinga.

Sa Jakarta, nagtipon ang mga demonstrador sa isang pangunahing rotonda. Ang ilan ay nagsuot ng gas mask at may dalang mga plakard na nananawagan ng agarang aksiyon upang mapigilan ang pagkalat ng apoy at maprotektahan ang mga hayop na apektado ng sunog.

Lumalalala umano ang mga sunog dahil sa El Niño, na nagdudulot ng tuyong kondisyon sa mga peatland o lupang mayaman sa naipong organikong materyal. Itinuturing na pinakamalala sa loob ng 11 taon ang kasalukuyang mga sunog at haze na umaabot din sa Malaysia at Singapore.

Nagkaroon din ng tensiyon sa pagitan ng mga demonstrador at mga pulis at militar na humarang sa ilang estudyante, na nauwi sa ilang sagupaan. Nagsagawa rin ng mga kilos-protesta sa Makassar at Bandung.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa pagtugon sa mga sunog, hiniling din ng mga nagprotesta na ihinto ang paggastos sa ilang programang popularista, kabilang ang libreng pagkain ng pamahalaan.

Samantala, hinimok ni Syahganda Nainggolan, pinuno ng tanggapan ng komunikasyon ng pamahalaan, ang publiko na manatiling kalmado. Sinabi rin niyang bukas ang administrasyon sa mga protesta at mungkahi ng mamamayan.

Ito na ang ikalawang protesta sa loob ng isang linggo, kasabay ng mga ulat ng unti-unting pagbaba ng approval ratings ni Prabowo batay sa mga survey ng Saiful Mujani Research and Consulting.