
Iginiit ng Malacañang na mas nahihirapan nang kumilos nang malaya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pinaigting na operasyon ng mga awtoridad upang arestuhin siya kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinalakas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang paghahanap sa senador, kasabay ng anunsiyo ng ₱50-milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kaniyang kinaroroonan.
Sinabi ni Castro na maingat na sinusuri ng mga awtoridad ang mga impormasyong natatanggap at kumikilos sila sa mga mapagkakatiwalaang lead. Gayunman, hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye tungkol sa operasyon.
Muling hinimok ng Palasyo at PNP si Dela Rosa na kusang sumuko at harapin ang proseso ng batas upang maiwasan ang anumang marahas na komprontasyon, pagkasugat o pagkamatay sa operasyon.
Samantala, muling humiling ng temporary restraining order sa Korte Suprema ang kampo ng senador upang pigilan ang pagpapatupad ng arrest warrant ng ICC at ang pagbibigay ng pabuya. Iginiit din ng kaniyang mga abogado na walang inilabas na warrant of arrest ang korte sa Pilipinas laban sa senador.
Ayon sa Malacañang, nagmula sa confidential funds ng DILG ang ₱50-milyong pabuya.










