Bahagyang tumaas ang presyo ng ilang uri ng bulaklak sa mga flower shop sa Tuguegarao City, Cagayan ngayong papalapit ang paggunita ng Undas.

Sa panayam sa may-ari ng isang flower shop sa Barangay Balzain na si Imelda Talosig, sinabi nitong kabilang sa mga nakaaapektong salik sa presyo ng mga bulaklak ang pagtaas ng presyo mula sa mga supplier at dagdag na gastusin sa transportasyon bunsod ng pagmahal ng produktong petrolyo.

Ayon kay Talosig, nararamdaman din ang epekto ng El Niño sa presyo ng mga bulaklak, dahilan upang maging maingat sila sa pagkuha ng suplay at bumili lamang ng kayang ibenta upang maiwasan ang pagkalugi.

Gayunman, tiniyak niyang mayroon pa ring mga abot-kayang flower arrangement para sa mga mamimili, kabilang ang mga disenyong nagkakahalaga ng P250, habang mayroon ding mas mamahaling arrangement na umaabot sa P1,000 hanggang P2,000, depende sa disenyo at uri ng bulaklak na gagamitin.

Mas marami rin aniya ang tumatangkilik sa mga simple at tradisyunal na arrangement, partikular ang mga basket na may Malaysian mums, dahil mas abot-kaya ang mga ito kumpara sa malalaki at mamahaling disenyo.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa fresh flowers, nag-aalok din ang kanilang tindahan ng mga artificial o plastic flowers na maaaring ipa-arrange ayon sa kagustuhan at badyet ng mga customer.

Pagdating naman sa kandila, mayroon silang mga karaniwang produktong nagkakahalaga ng P5, P10 at P25, habang umaabot naman sa P300 ang mga espesyal na kandilang may disenyong krus.

Inaasahan din nilang mas dadami ang mamimili sa mga susunod na araw, lalo na sa bisperas ng Undas, kaya naghahanda na sila ng mga naka-arrange nang bulaklak upang mapabilis ang pagbili ng mga customer.

Paalala naman ni Emelda sa mga mamimili na suriing mabuti ang kalidad ng mga bulaklak at tiyaking naaayon ang presyo sa kanilang binibili.

Dagdag pa niya, hindi kailangang gumastos nang malaki upang maipakita ang pagmamahal at pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay dahil ang simpleng pagdalaw at pagtirik ng kandila ay sapat na ring paraan ng paggunita sa kanila.