Nagpatupad na ng Code White Alert ang mga ospital at treatment rehabilitation facilities na sakop ng Department of Health (DOH) bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasyente ngayong Undas.

Ayon kay Cagayan Valley Medical Center (CVMC) Medical Center Chief Dr. Cherry Lou Antonio, epektibo ang direktiba mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.

Tiniyak ni Antonio na nakahanda ang mga doktor, nars at iba pang frontline personnel ng CVMC upang agarang matugunan ang mga pasyenteng mangangailangan ng serbisyong medikal.

Naka-24 oras ding bukas ang kanilang emergency room at na-activate na rin ang fast lane upang mapabilis ang pag-asikaso sa mga emergency cases.

Samantala, pinayuhan ni Antonio ang publiko na magdala ng payong at sapat na tubig sa pagbisita sa mga sementeryo upang maiwasan ang dehydration at iba pang karamdaman.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan din ang mga bibisita na magbaon ng ligtas at hindi madaling mapanis na pagkain, gayundin ang palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol o hand sanitizer, lalo na matapos maglinis ng puntod.

Hinikayat naman ang mga senior citizen at indibidwal na may mga karamdaman o comorbidities na iwasan ang matagal na paglalakad at matataong lugar, at kung kinakailangan ay manatili na lamang sa kanilang mga tahanan upang hindi malagay sa panganib ang kanilang kalusugan.

Muling pinaalalahanan ang publiko na unahin ang kaligtasan at kalusugan sa paggunita ng Undas.

Samantala, nagsagawa rin ng inspeksiyon si Dr. Antonio sa Emergency at Outpatient Departments ng ospital upang matiyak ang kahandaan ng mga pasilidad at medical personnel sa pagtugon sa mga pasyenteng posibleng mangailangan ng serbisyong medikal ngayong Undas.