
Itinanggi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na nagkaroon siya ng anumang transaksyon kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Inihayag ito ni Bernardo, na nagsisilbing state witness sa kasong plunder laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y P7.44-bilyong kickback, sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Huwebes para sa kaniyang aplikasyon sa piyansa.
Ayon kay Bernardo, minsan lamang niyang nabanggit si Romualdez sa kaniyang affidavit, kaugnay ng kanilang pagkikita sa birthday celebration ng anak ni dating DPWH Secretary Mark Villar.
Iginiit din niya na hindi niya itinuring si Romualdez bilang proponent ng mga proyektong pinag-uusapan sa kaso.
Samantala, kinumpirma ni Bernardo na nabanggit niya sa kaniyang affidavit si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Gayunman, nilinaw niyang wala siyang personal na kaalaman sa umano’y transaksyon ni Co kay dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara, na naunang nagsabing naghahatid siya ng mga kickback mula sa mga contractor para sa dating kongresista.










