
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension sa limang inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office kaugnay ng iniimbestigahang umano’y maanomalyang P188 milyong flood control projects sa Baliuag, Bulacan.
Kabilang sa mga sinuspinde sina project engineers Irene Ontingco, Kevin Geronimo, John Michael Ramos, Bernardo Villafuerte at Michelle Cruz habang dinidinig ang mga kasong administratibong isinampa laban sa kanila.
Nahaharap ang mga ito sa mga reklamong grave misconduct, serious dishonesty at gross neglect of duty kaugnay ng konstruksyon ng reinforced concrete slope revetments sa Barangays Piel, San Roque at Sulivan.
Batay sa reklamo ng mga tagausig ng Ombudsman, umano’y pineke ng mga respondent ang mga dokumentong may kaugnayan sa implementasyon, inspeksiyon, pagtanggap, pagsingil at pagbabayad sa mga proyekto upang palabasing nasunod ang lahat ng legal at kontraktuwal na rekisito.
Ayon sa Ombudsman, may sapat na batayan sa kasalukuyang yugto ng imbestigasyon upang paniwalaang sinusuportahan ng matibay na ebidensiya ang mga alegasyon laban sa mga inhinyero.
Kinailangan din umano ang preventive suspension upang maiwasan ang posibleng pakikialam sa imbestigasyon, lalo’t maaari pa nilang mahawakan ang mahahalagang dokumento at iba pang ebidensiya.
Samantala, kabilang din sa administratibong reklamo ang ilang dating opisyal at kawani ng DPWH Bulacan na nahaharap na rin sa mga kasong malversation at graft kaugnay ng P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Gayunman, hindi na ipatutupad ang preventive suspension laban sa mga dating opisyal na nakakulong, nagretiro o nagbitiw na sa serbisyo.
Bukod sa mga kasong administratibo, nahaharap din sa hiwalay na mga reklamong kriminal sa Ombudsman ang mga respondent.










